Valencia City, Bukidnon | 10 Hulyo 2026 — Matagumpay na naisagawa ang Self-Delineation at Indicative Mapping ng inaangking Native Title ng Talaandig Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa Tribal Barangay Lurugan Valley, Valencia City, Bukidnon, na may kabuuang 3,841.14 ektarya na isinailalim sa field validation at dokumentasyon.
Isinagawa ang aktibidad sa pamamagitan ng pagbisita sa iba’t ibang boundary points, natural na palatandaan, kagubatan, kabundukan, sakahan, mga ilog at iba pang tradisyunal na hangganan. Ginamitan ito ng GPS documentation, photo documentation, at aktuwal na validation sa pangunguna ng mga kinikilalang miyembro ng komunidad at mga nakatatanda (Elders).
Bilang pagpapakita ng pakikiisa at suporta sa kapwa katutubo, nakiisa sa naturang aktibidad ang Pambansang Konseho ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (PKKMP) sa pangunguna nina Dato Binalan Hanas, Pangulo ng PKKMP, at Bai Fraidelyn Samal Dani, Pambansang Direktor Heneral Luzon Visayas at Mindanao nagbigay ng suporta sa proseso ng community-based mapping at pagkilala sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.
Layunin ng isinagawang self-delineation na maitala ang mga tradisyunal na hangganan ng lupang ninuno batay sa kasaysayan, kultura, kaugalian, at kaalaman ng mga Elders ng komunidad. Ang mga nakalap na datos at dokumentasyon ay magsisilbing mahalagang bahagi ng mga kinakailangang dokumento para sa proseso ng pagkilala sa Native Title alinsunod sa umiiral na mga batas at patakaran na may kaugnayan sa mga karapatan ng mga Indigenous Peoples.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga lider ng komunidad sa lahat ng mga lumahok sa aktibidad, at muling pinagtibay ang kanilang pagkakaisa sa pangangalaga at pagtataguyod ng kanilang lupang ninuno, kultura, at pamana para sa susunod na salinlahi.
“Ang pagkilala at pangangalaga sa lupang ninuno ay hindi lamang usapin ng lupa, kundi ng kasaysayan, kultura, pagkakakilanlan, at kinabukasan ng mga katutubong pamayanan.”
























